Ang Lumang Baul Ni Don






         poetry, literature, tula

August 28, 2009

Minsan Naiisip Kita (Kay Michelle Villafuerte)

Filed under: Sentimental — lumangbaulnidon @ 3:40 am

Minsan, naisip kita. Hindi ko naman
maaaring sabihin naalala kita. Dahil
ang alaala ay para lamang sa mga taong
may nakaraan, mapait man o matamis.
Ngunit tayo’y walang nakaraan, inukit
lamang ng ngayon upang pagsangahin
ang ating mga salita, kahit simpleng
pangungumusta na kahit wala namang
pagbabasehang lumang balita tungkol
sa iyo, o maging sa akin. Kaya naisip
kita sa gabing katulad nito habang natutuyo
akong nagdidiliryo sa silid ng pag-iisa.
Naisip ko, paano kaya kita kikilalalanin
sa pagitan ng aking mga gunita? Katulad
ka rin kaya nila na may simpleng mata,
simpleng ilong, simpleng bibig at simpleng
pagkatao na maaari kong ikahon
sa aking mga palad at pakikiramdaman?
Katulad ka rin kaya nila na may mahabang
buhok na nakikipagsalimbayan sa hangin
ang pinaghalong 2 in 1 shampoo with conditioner?
Malalasing kaya ako kapag naamoy
ko na ang mabango mong katawan
na may haplos ng pearl essence?
Ngunit wala kang anyo sa anino
ng mga gabing katulad nito habang
ako’y nalalango sa pagbibilang
ng mga kinahong sandali. Kaya naiisip kita
sa mga oras na kagaya nito. Paano kaya
kung sa isang saglit ay magbukas ang bintana
ng aking silid at dumating ka. Dahan-dahang
lalapit at bubunutin ang mga langgam
na nananahan sa aking dibdib. Paano kaya
kita kikilalanin? Magagawa ko kayang
lapitan ka at sasamyuin sa buhok, tatabigin
sa aking mga bisig? Palalayain mo kaya
ang mga halakhak sa pagsasabing:
Teka, teka at hindi pa kita lubusang kilala.
Kaya paano kaya kita kikilalanin
sa mga oras na kawangis nito? Tama
bang pangalanan kita sa pamamagitan
ng pag-usisa sa iyong makikinis na balat?
Kung gayo’y tatawagin kitang Audrey.
Dahil siya ay kilalang flawless, at kaakit-akit.
Tama ba’ng tawagin kita sa pamamagitan
ng mga pabulong mong ngiti? Kung gayon
ay hayaan mong tawagin kitang Kikay.
Dahil siya ay may nakakahilanang boses
kagaya ng babae sa fm kapag hatinggabi.
Ngunit alam kong napakaraming Audrey
at Kikay ang nagmamay-ari ng kani-kanilang
katangian. Kaya hayaan mong ukitan
ko ang iyong pagkatao sa pangalang sinta.
Kaya ngayong gabi, aking sinta, ipaubaya
mo muna ang iyong sarili sa aking mga bisig.
Gusto kong marinig ang iyong mga tinig
upang maibsan ang kasabikan kong malaman
kung gaano katinis ang iyong himig. Katulad
ka rin kaya ni Sarah Geronimo na parang
idinuduyan sa hangin ang bawat makarinig?
Kaboses mo kaya ang malambing na babaeng
nakakausap ko sa cellphone sa tuwing
nauubusan ako ng load sa madaling-araw?
Kaya’t dahan-dahan kitang binulungan;
dito ka na kaya matulog ngayong gabi?
Ngunit ang mga tinig mo’y nagmistulang
mga milyun-milyong paru-paro na yumakap
sa nanlalamig kong kalamnan. Pinagmasdan
kita habang nagkikislot sa iyong balikat
at kumawala ang mga pakpak ng isang diwata
hanggang sumalipadpad palabas ng bintana.
Sinundan kita hanggang sa gulugod
ng pagbabakasakali na ika’y magbabalik.
Hanggang sa ako’y tamaan ng nakakapasong
sinag ng buwan. Ipinikit ko ang aking mga
mata sa pagsasabing: ang bilis mo namang lumisan.
Nang muli kong idilat ang aking mga mata,
humihiyaw na ang orasang idinikta
ng alas-siyeteng pagbangon mula sa higaan.
Kaya napangiti ako habang pinupulot
ang mga nalugas na pakpak ng mga paru-paro
sa lahat ng dako ng silid, kasabay ng pagsasaisip
ng mga katagang: sa muling pagkikita natin
sa panaginip, aking sinta.

February 15, 2009

Bikol Express

Filed under: Sentimental — lumangbaulnidon @ 7:00 am

Kasing tayog ng bulkang Mayon
ang mga pangarap na ibinabantayog
at namumutawi sa ating mga labi.
Kasing kinang ng mga kabukirang
natutong baybayin ng ating kabataan,
hanggang sa paglapat ng mga yapak
sa dalampasigan ng ating kamulatan.

Doon unang minalas ang kinang ng iyong
mga mata at matatamis na ngiting
tila nadarang sa gata ng ating unang panahon.
Noon ko din nasaksihan kung paano
sinalikop ng pagnanasa ang mga bubot
na isipan, o ang paglalapat ng mga labi
sa unang pagkakataon.

Hanggang sa natutuhan na ring lasahan ng dila
ang tamis-anghang na manaka-nakang
nagdudulot ng kakaibang init sa katawan.

Ngunit mabilis na tumanda ang mga araw
At huli na nang nalamang nagpupumiglas
na rin ang mga maaanghang na salitang
kumakawala sa namamanhid na labi.
Hindi na rin kayang tiisin ang mabigat
na pasaning hindi kayang bulagin
ng mga pangakong iniwan sa mga kabukiran
at dalampasigan ng ating pag-iibigan.

At sa muling pagsapit ng tag-ulan,
naglandas din ang pagpatak ng mga luhang
inipong pilit ng mga matang ipinako sa kawalan.
Kaalinsabay ng mainit na hanging dumadampi
na nagbubuhat sa bukana ng bulkan
Ay ang malamig na himig ng pamamaalam.
Hanggang sa ito’y sumabog, kumawala
sa mga bisig na dati’y wagas na pagmamahalan.

November 25, 2008

Hindi Marunong Magmakaawa Ang Mga Uhaw Na Labi

Filed under: Sentimental — lumangbaulnidon @ 5:34 am

Kay D.

 

Hindi marunong magmakaawa ang mga dahas

Ng iyong labi sa pagngibasib ng landas patungo

Sa dako roon na namumugad ang mga hayop

Sa aking dibdib. Tinatamasa ang mga halik

Ng mga maninipis na labi, at manaka-nakang sulyap

Sa langit, hanggang sa tarangkahan ng mga ismo.

 

Ikaw pa rin ang dapit-hapon ng aking mga panaginip

At liwanag na tatanglaw sa aking budhi, pagkuwa’y

Mag-aanyong mga anghel ang mga araw na ipagtatabuyan

Mo ang aking pag-ibig.

 

Tatangkain kong haranahin ang mga aranyang nagbubuhat

Sa iyong pisngi, pati na ang mga yabag ng nanunumbat

Na puso, aawitin ang mga himig ng hinagpis, hanggang

Sa muling pagniniig ng ating mga makasalanang labi.

 

 

November 15, 2008

Bagumbayan Sur, Naga City

October 21, 2008

Ang May Akda

Filed under: Sentimental — lumangbaulnidon @ 3:34 am

Hindi ito isang kuwento ng kabayanihan. Hindi rin ito isang kuwento ng mga naligaw na kabataan sa pusod ng piniling landas. Ito ay hindi tipong maililimbag ng maramihan at mabibiling promo sa bangketa, at lalong hindi ito maituturing na isang obra maestra na papasa sa “Maalaala mo kaya.” Wala namang dapat na maalala sa kuwentong ito, maliban na lamang sa kusang pagtugaygay sa isipan ng mga bumubuo ng istorya. Hindi rin ito isang kuwento ng mga nakahanay sa rebolusyonaryo na naglundo sa maraming estudiyante upang tamasain ang malaya at tinig ng masa, talakayin ang aking pulitikal na pananaw, o ng kasaysayan ng mga tumulay noon sa gawaing progresibo sa ngalan ng prinsipyo at ng Sosyalismo. Ang mga trahedyang umangkin sa amin noon ay naging simbolo ng katapangan at nagsilbing ningas na laging buhay at kinatatakutan hanggang sa kasalukuyan. Maaaring hindi ganap na nabigyang pansin at talakayin ang pagiging aktibo namin noon sa organisasyong binubuo ng mga kabataang, ang tanging layunin ay maging mulat at may alam sa mga nagaganap at magaganap pa sa kapaligiran. Hindi ko rin nais na ipagdiinan na kami ay mga rebolusyonaryong nag-uumapaw sa prinsipyo at kaisipan. May nangyari nga ba sa mga pag-aalsang iyon? Sa mga malat na sigaw ng pakikipaglaban? Maaaring wala. Maaari ring hindi na namin nasulyapan ang paglaya sa tanikala ng eskuwelahang humulma ng galit at paglaban. Sa mababaw na tingin ay sasabihin ng ilan na malaya na nga ang lipunang ibininhi ng kolonisasyon. Ngunit tunay na ba tayong malaya? Tuluyan na bang nasiil ang mga pananamantala ng mga dayo at lokal na kapangyarihan na tumutunaw sa sariling interes at kalayaan ng bansa? Marapat lamang na suriing mabuti ang mga katanungang ito. Ito ang aking sariling opinyon at wala sa hinagap ko ang buhayin sa inyong isipan at sumang-ayon sa mga kilos-propaganda ng bayan.

Minabuti kong itago sa tunay na pagkakakilanlan ang ilang tauhan sa akdang ito. Ngunit marami pa rin sa kanila ang inilantad ko sa tunay na pangalan at tuwirang tinukoy sa hubad na kalagayan. Ganunpaman, wala akong balak na ilublob sila sa lusak, lalo na at hindi ko kayang ipaimbulog sila hanggang alapaap. Tumutulay pa rin sa mga ugat ko at alaala ang pagkakaibigan namin noon na marahil ay hindi kayang tunawin ng panahon. Marami pa rin sa kanila ang lubos na nakikipag-ugnayan. Ngunit wala na ang mga lumang tipiko sa usapan. Wala na ang bakas ng mga paglaban na nasa anyo nila noon. Natunaw na ang galit na tinig. Pinawi na rin ng panahon ang mga nalikhang sugat na minsang sumubok sa katatagan ng aming pagkakaibigan. Isa man sa kanila ang walang nais bumalik sa kuwentong iyon at damputin ang pira-pirasong alaala ng kahapon.

Maaaring sabihin ng ilan na isang imposible ang muling mailarawan ang mga nangyari pagkalipas ng mahigit anim na taon. Kaya maaari ring sabihin ng ilan na ang kuwentong ito ay tunay na kasinungalingan. Tunay na likhang isip lamang. Nais kong ipabatid na ang nilalaman ng kuwentong ito ay naisulat ko na noon pa, noong kasalukuyang hinahabi namin ang mga detalye at sangkap upang mabuo ang talaarawan ng aming buhay. Pinamagatan ko iyon na “Abo, sa hibla ng agiw” na ang pamagat ay hinango sa tula ni Manuel Ferrer ng U.P. Diliman at nailathala sa Philippine Collegian noong dekada Otsenta. Minsan ko na itong naipamudmod sa ilang kabilang sa kuwento, ang ilan pa nga sa kanila ay napaluha matapos na mabasa ang sariling karanasan, na lubhang ikinasiya ko naman sapagkat nagpapatunay lamang na naisalaysay ko sa makatotohanang paraan ang kanilang damdamin at hindi naitago ang mga lihim na halos hindi naibunyag sa marami. May mga pagtataka kung bakit ko

naisulat ang mga iyon. Dala lamang marahil na nakaimbak na masusing pagsusuri sa mga

araw na lumilipas.

Ngayon ay isinalin ko ito sa isang pambihirang sanaysay. Na ginamitan ng mga hindi

matarok na termino na lubhang nakapagpabago sa orihinal na anyo ng dating sinulat. Ngunit ang daloy ng kuwento ay nanatiling dalisay at walang bahid ng pagkukunwari at kasinungalingan. Ang mga dating kasama, mga lugar-tagpuan na nabanggit, mga pamosong tauhan, mga organisasyong kinabibilangan na naging sentro ng ilang tipiko ay nakalakip pa rin sa kabila ng pagtatangka kong itago sila sa isang lihim at magkaroon ng pribadong buhay at pangalan. Hindi ko rin nais na itago ang sarili kong karanasan na maaaring makapagpabago sa pagkakakilala ng ilan. Nais kong manatili ang tunay na kasaysayan, maaya man o nasa isang madilim na anyo, dahil walang pagsisisi o buntunan ng sisi sa nakaraan. Kung hindi dahil sa mga nakaraang iyon ay hindi ako magigising at maaahon sa kahibangan.

Katulad ng nasabi ko, hindi ito isang kuwento ng kabayanihan, ng isang radikal na pagkilos, ng dalawang pusong nag-ibigan, lumuha at naghiwalay ng landas. Hindi ito isang kuwentong panggising sa mga natutulog na damdamin ng mga kabataang naghahanap ng kasagutan sa mga katanungan. Hindi ko alam kung sa huli ay may nalutas na suliranin at maituturing na isang maganda at masayang wakas ang mga kabanata. Kung nasagot ba at nabigyan ng linaw ang mga abuhing usapin at ang maraming katanungan? Kung may patutunguhan ba ang kuwento matapos ang limampung kabanata na pinagbuhusan ng isip at panahon? Hindi mahalaga para sa akin ang maaaring sabihin ng mga mambabasang labis humatol. Maging malaya.

Ito ay isa lamang kuwento na nais kong ikuwento.

Isang mapagpalayang pagbati.

Don Bustamante

September 22, 2008

Hanggang Sa Mamatay Na Ang Mga Aranyang Kislap

Filed under: Sentimental — lumangbaulnidon @ 5:08 am
Salamat sa iyo, alam kong hindi pa huli ang bukas ko para sa mas magandang hinaharap: ang kapayapaan ng dibdib, ang pagmamahal na inubos, ang mailap na pag-ibig. Salamat. Tanging ito lamang ang maiiwan ko sa aking pag-alis. Hindi ko na hihintayin pang lumipas ang ngayon, baka magising pa ang mga nahihimlay na kaluluwa na halos malanta na ang mga baging na nakapulupot sa kanilang puntod. Nagsawa na ang hindi matapos na pagpatak ng luha sa mga matang nilamukos sa pag-iisip sa iyo at pagtanong ng napakaraming bakit at pagtuligsa sa mga kasagutang hindi mo inihandog kahit kailan.

Ang hindi mo alam, ang iyong sakit na dinulot ang siyang nagturo sa akin upang maging matatag sa alinmang pagsubok. Nalimutan mong maaari kong itanim sa aking talaarawan ang bawat latay na dulot mo upang sa bawat sandali ay mabuklat ng aking isipan. Nakalimutan mong patuloy ang pagdaloy ng dugo sa aking mga ugat sa tuwing maaalala ang pangungunyapit ko sa iyong mga braso sa mga sandaling nakatingala sa gawad mong awa. Subalit naging matigas ka at naging bingi sa pagsusumamo ng kaluluwa kong pinatawan mo ng parusang hindi nakalaan sa tulad kong tapat kong umibig. Hindi mo naalala ang bawat pagpupunyagi kong maging maalab ang bawat taludtod ng aking pangako at ihandog sa iyo ang kadalisayan ng aking pagkatao upang sa pagsapit ng umagang ako ang iyong kasiping ay magniningas ang bawat pamimintana mo sa mga daratal pang bukas. Hindi mo naalalang pinuno ng aking mga halik ang nadirimlan mong pagkatao noon, noong kasalukuyang ginagahasa ng sakit ang iyong kalooban. Hindi mo naalala ang matiyaga kong pagsalikop ng mga braso sa nanlalamig mong tinig ng pag-aalumpihit sa sakit na natamo mo bunga ng nakalipas mong pag-ibig.

Subalit ang naalala mo lamang ay ikaw at ikaw, ako ay ako. Hindi mo nakita ang ganap na pagsasatinig ng ating mga puso na walang lasong nakatarak sa bawat himig na inuusal ng ating mga gabi. Hindi mo nadama ang init ng aking mga labi sa tuwinang pagsasanib ng ating mga tinig ng damdamin.

Hindi mo naalalang ako’y may dangal din.

April 7, 2008

Sa Muling Pagbagtas Ng Daan Patungo Sa Ating Lumang Tagpuan

Filed under: Uncategorized — lumangbaulnidon @ 5:28 am

I just hope to sleep and never awaken. Nothing left in this world could replace what you have taken…    - Sandy Cheney

Kay tagal ka nang nanahan sa aking dibdib

Mula nang huli nating pagkikita noon sa Alabang.

Kahit nakipaglaro ako sa pagsuong sa kalakaran ng buhay

At kay tagal na napahiwalay sa iyong paningin,

Nanatili ako sa dating tagpuan natin… sa alaala.

Hinintay kita sa mga gabing malamlam ang lahat ng gunita

Hinahanap kita sa tuwing nahuhumaling ang puso sa iba

At nabubulag ng mga maaasim na pangakong binabad nila

Sa matamis na pulot-pukyutan upang makalasing at akma

Sa panlasa, ngunit nauumid matapos ang ilang tipak

Ng pagtikhim. Natutulog na basag ang mga unan,

Nagigising ng puyat, kahit lapnos na ang balat sa higaan.

Kay haba ng nilakbay ng panahon ng muli ‘tang pagkikita.

Ako pa rin ang dating ako.

Ikaw pa rin ang dating ikaw.

Dama pa rin ang dating dinadama

At luma pa rin ang ating lumang tagpuan… sa alaala.

Ipinakita ko sa iyo ang landas na maghuhugpong

Sa aking mga pangarap at inakay ka patungo roon

Upang ako’y makasama. Tinuruan kita paano umawit

Ng may himig ng mga anghel sa altar. Tinuruan kita

Paano umibig na may bigkis ng pangako ng bukas.

Ngunit sa pagdadalamhati ng gabi, ang pagsasabing

Ika’y napilitan lang. Tumarak sa puso ang katotohanang

Ika’y hiram lamang.

Muli kong babagtasin ang dating tahanan ng ating gunita,

Kagaya noong dakong una. Nais kong muling balikan

Ang mga alaala noon sa Alabang noong tayo’y

Namumukadkad pa lamang. May mga simpleng kagustuhan,

May pag-ibig na nais makamtan. Walang lason ang ating

Mga kalamnan, kahubdan ng payak na pagsinta.

Tuloy ang pagtulog na basag ang mga unan,

Nagigising ng puyat, kahit lapnos na ang balat sa higaan.

March 27, 2008

Baka Sakali

Filed under: Uncategorized — lumangbaulnidon @ 6:44 am

Ilang beses pang pagtanaw sa aking kaluluwa

At paghulagpos ng mga tinig sa iyong bibig

Upang bitiwan ang mga pangakong batid mong kinasabikan kong

Marinig. Ilang paghugot ng mga gunita sa nakaraan

Upang dumaisdis patungo sa hinihintay na umaga:

Baka sakaling magtagpo ang ating mga mata

At magtapos ang mga ngiti sa iisang dalangin,

Iisang hangad, iisang panata. Marahil ay matatanaw

Na ang layuning nais kong paniwalaang dalisay.

Ilan pang paghigop ng mainit na kape at pagdantay

Ng mga braso sa tuwing magkatabi.

Ilan pang mga panakaw na ngiti, ng mga bulong ng labi.

Ilan pang pagpapailanlang na mga dasal sa langit,

Titiisin, kukuyumin sa palad ang mga pasakit na tiniis,

Baka sakaling makalimutang kailangan pang magising

Sa nakaraang sukdulang nais pawiin.

Baka sakali,

May mga pangakong muling maririnig.

Kahit walang umaasa,

Sabik pa ring marinig.

Kahit nakakadalang umasa,

Nanaisin pa ring marinig.

Marso 26, 2008

Bagumbayan Sur,

Naga

City

March 26, 2008

Umuulan Kagabi (Para Sa Aking Mahal Na Ama)

Filed under: Uncategorized — lumangbaulnidon @ 4:17 am

Naging magkakapatid ang mga patak ng ulan

At mga luhang inanak ng aming mga hinagpis.

Patuloy ang daloy ng maligamgam na pagbuhos

Nagbuhat sa aming mga mata, pagbalik ng mga dasal

Sa langit. Pinagmasdan ko ang mga kalapating

Uhaw na uhaw sa malamig na tubig, habang nagsasalimbayan

Ang mga himig ng pag-ibig na inuusal ng mga labing

Sabik na sabik na marinig ang iyong tinig.

Umaambon

noon

nang ika’y magpaalam.

Umuulan ng mga gabing yaon nang ika’y aming pinaglamayan

Ngunit maaraw ang gunita ng inihatid ka sa himlayan.

Sapagkat ang init ng pagmamahal na namumugad

Sa aming mga pusong iyong iniwan, ay laging magniningas.

Hanggang sa huling pahina ng aming mga kasaysayan.

Pebrero 21, 2008

Magarao, Camarines Sur

March 25, 2008

Matina Hatinggabi

Filed under: Uncategorized — lumangbaulnidon @ 6:03 am

Katulad niya rin akong
umani ng mga pangitain
Kung paano bubuksan ang
pinto ng umaga.
Katulad ng paniniguro
niyang maayos ang tarangkahan
Ng dilim kapag lilipas
ang liwanag.

 Taimtim ang mga
panalangin sa lamig ng gabi,
At minsa’y naitatanong sa
pusikit ng dilim:
Paano ba ang mga hakbang
sa umaga kapag
Dumalisdis na ang sinag
sa kalawakan?
Paano ang tamang kumpas
ng mga matang namamagod
Na sa maghapong
pagbabanat ng buto
Kung ang katapusang
nagsisimula nang magparamdam?

 Paikut-ikot sa higaan at
hindi mapakali,
Natatakot sa mabilis na
pagdaiti ng hatinggabi.

Pebrero, 24, 2008

June 25, 2007

Sa Mga Gabing Tulad Nito

Filed under: Uncategorized — lumangbaulnidon @ 7:18 pm

Muli, gising na naman ang gabi.
Hindi patutulugin ang antok na kaluluwa
Na walang magawa kundi makipaglaro
Sa mga napipindot na laruan. Makikipagtitigan
Na naman sa mahikang tagibulag. Dalhin
Ang isip sa ibayong lupain upang doon
Pansamantalang tumalampak at iwasan
Ang tagistis na laging kapiling sa madilim
Na silid na ito.

Nakakasawa na ang ganitong pag-iisa.
Bagama’t mapagmahal ako sa katahimikan,
Ngunit hindi ang nakangingilong pitik
Ng orasang tinatakot ang aking mga sandali.
Bilangin ang pagluwas-suba ng mga alaalang
Tila kapeng nagpapatapang sa mabigat
Na talukap ng mata.

Mabuti pang magkape muli.
Damihan na lamang ang asukal upang maalalang
May matamis na bagay pa rin dito sa mundo.
Maging ang dilang natatakot tumikhim
Ng masarap na putahe, nakikipagsabwatan
Na sa tukil ng utak, nagsusumiksik ang takot.
Patuloy ang pagdidikta sa talipyang pag-iisip
Na hindi naman masagot ang mga sariling katanungan.

Magsisilbing talabing ang kumot ng pag-iisa,
Itatago ang sarili sa liwanag. Nanaisin pang
Manahimik sa dilim at ariing himlayan
Ang higaang sinasalikop ng mga sagimsim.
Ang unan ay tila isinumpa sa gitna ng dilim.
Nababasag ang mga panaginip na pilit
Hinuhulma sa utak, ngunit maging
Mga pangitain ay tila inagaw na ng karimlan.
Tuloy ang galugad sa pinakapusod ng aking
Imahinasyon at tunawin ang mga alaalang
Unti-unti nang naagnas sa malimit na giik
Sa hangganan ng katinuan.

Tuloy ang pag-iyak ng gabi.
Nanaghoy ang apat na sulok ng kuwarto.
Ang karpetadong sahig ay tila lumalapot
At umikid sa mga paa kong nababagot
Na sa paglalakbay na hindi pa matunton
Ang daang paroroonan. Doon kaya sa kawalan
Makikita ang mga kaganapan? Doon kaya
Sa panig na iyon at sundan ang liwanag
Na nililipad ng hangin patungo sa kawalan?

Next Page »