Mapait Ang Manok Ng Dambuhalang Bubuyog
“Tahan na, kakain tayo sa Jollibee”
Ang sinasabi mo kapag umiiyak ang paslit,
Panghupa at pampahid ng luha
Dahil para sa kaniya, may pag-asang nakakawing
Sa pangalan ng sikat na fastfood.
Ngunit ang bawat paghumaling ng bata sa pagkain
Ay hindi sa lasa, kundi sa nakikitang patalastas
Sa pagsasayaw ng manikang bubuyog.
Ano ang pagkakaiba ng piniritong manok
Na inihain sa bahay at ang chicken joy sa payak
Na panlasa ng bata?
Maliban na lamang kung sa murang pag-iisip
Ay nakikilala niya si Aga Muhlach.
Ang sagot, tayo ang nagpapakilala upang yakapin
Ng kanilang murang isipan at mahumaling
Sa maka kapitalismong anyo ng pamumuhay.
Hindi niya nadarama ito,
Na sa bawat pagkagat ng malutong na chicken joy
Ay nagpupumiglas ang isang manggagawa
Sa tilamsik ng mabangis na mantika,
Pambanlaw ang tipid na kita sa pagtatrabaho.
Sa bawat pagluluto, lumulutang sa malalim
Na kawali ang mga mabababaw na pangarap
Na kailanman ay hindi kayang tumbasan
Ang sarap na piniritong manok.
Kahit pa may sawsawang bawang at ketsup,
Matabang ang pag-unlad ng isang manggagawa
Kung ang bawat kita nito ay sapat lamang
Upang muling makulong sa walang pag-unlad
Na rehas ng kusina.
Dadalhin mo ang iyong anak sa fastfood,
Mag-oorder ng mga pagkaing nakikita sa t.v.
Katulad ng pagkakaalala niya sa makulay
Na damit ng dambuhalang bubuyog,
At lalapit sa iyo ang makulimlim na mukha
Ng tagapagsilbi, nakatikhim, nakadilat
Sa inorder mong pagkain.
Mababasa mo sa kaniyang mukha
Ang katotohanang, ang masarap na inihahain
Ng kaniyang mga bisig ay hindi maihahandog
Sa anak na kumakalam ang sikmura.