Ang Lumang Baul Ni Don






         poetry, literature, tula

June 25, 2007

Sa Mga Gabing Tulad Nito

Filed under: Uncategorized — lumangbaulnidon @ 7:18 pm

Muli, gising na naman ang gabi.
Hindi patutulugin ang antok na kaluluwa
Na walang magawa kundi makipaglaro
Sa mga napipindot na laruan. Makikipagtitigan
Na naman sa mahikang tagibulag. Dalhin
Ang isip sa ibayong lupain upang doon
Pansamantalang tumalampak at iwasan
Ang tagistis na laging kapiling sa madilim
Na silid na ito.

Nakakasawa na ang ganitong pag-iisa.
Bagama’t mapagmahal ako sa katahimikan,
Ngunit hindi ang nakangingilong pitik
Ng orasang tinatakot ang aking mga sandali.
Bilangin ang pagluwas-suba ng mga alaalang
Tila kapeng nagpapatapang sa mabigat
Na talukap ng mata.

Mabuti pang magkape muli.
Damihan na lamang ang asukal upang maalalang
May matamis na bagay pa rin dito sa mundo.
Maging ang dilang natatakot tumikhim
Ng masarap na putahe, nakikipagsabwatan
Na sa tukil ng utak, nagsusumiksik ang takot.
Patuloy ang pagdidikta sa talipyang pag-iisip
Na hindi naman masagot ang mga sariling katanungan.

Magsisilbing talabing ang kumot ng pag-iisa,
Itatago ang sarili sa liwanag. Nanaisin pang
Manahimik sa dilim at ariing himlayan
Ang higaang sinasalikop ng mga sagimsim.
Ang unan ay tila isinumpa sa gitna ng dilim.
Nababasag ang mga panaginip na pilit
Hinuhulma sa utak, ngunit maging
Mga pangitain ay tila inagaw na ng karimlan.
Tuloy ang galugad sa pinakapusod ng aking
Imahinasyon at tunawin ang mga alaalang
Unti-unti nang naagnas sa malimit na giik
Sa hangganan ng katinuan.

Tuloy ang pag-iyak ng gabi.
Nanaghoy ang apat na sulok ng kuwarto.
Ang karpetadong sahig ay tila lumalapot
At umikid sa mga paa kong nababagot
Na sa paglalakbay na hindi pa matunton
Ang daang paroroonan. Doon kaya sa kawalan
Makikita ang mga kaganapan? Doon kaya
Sa panig na iyon at sundan ang liwanag
Na nililipad ng hangin patungo sa kawalan?