Hanggang Sa Mamatay Na Ang Mga Aranyang Kislap
Ang hindi mo alam, ang iyong sakit na dinulot ang siyang nagturo sa akin upang maging matatag sa alinmang pagsubok. Nalimutan mong maaari kong itanim sa aking talaarawan ang bawat latay na dulot mo upang sa bawat sandali ay mabuklat ng aking isipan. Nakalimutan mong patuloy ang pagdaloy ng dugo sa aking mga ugat sa tuwing maaalala ang pangungunyapit ko sa iyong mga braso sa mga sandaling nakatingala sa gawad mong awa. Subalit naging matigas ka at naging bingi sa pagsusumamo ng kaluluwa kong pinatawan mo ng parusang hindi nakalaan sa tulad kong tapat kong umibig. Hindi mo naalala ang bawat pagpupunyagi kong maging maalab ang bawat taludtod ng aking pangako at ihandog sa iyo ang kadalisayan ng aking pagkatao upang sa pagsapit ng umagang ako ang iyong kasiping ay magniningas ang bawat pamimintana mo sa mga daratal pang bukas. Hindi mo naalalang pinuno ng aking mga halik ang nadirimlan mong pagkatao noon, noong kasalukuyang ginagahasa ng sakit ang iyong kalooban. Hindi mo naalala ang matiyaga kong pagsalikop ng mga braso sa nanlalamig mong tinig ng pag-aalumpihit sa sakit na natamo mo bunga ng nakalipas mong pag-ibig.
Subalit ang naalala mo lamang ay ikaw at ikaw, ako ay ako. Hindi mo nakita ang ganap na pagsasatinig ng ating mga puso na walang lasong nakatarak sa bawat himig na inuusal ng ating mga gabi. Hindi mo nadama ang init ng aking mga labi sa tuwinang pagsasanib ng ating mga tinig ng damdamin.
Hindi mo naalalang ako’y may dangal din.