Bato
Nilambing ko ang diyos na nakakulong
sa inukit na batong madalas kong makitang
niluluhuran ng maraming nanampalataya.
Kaya kahit hindi ako sanay, sinubukan
kong pumikit nang mataimtim habang
umuusal ng hiling sa kaniya. Isinumbong
ko ang lahat ng galit na namamahay
sa aking dibdib, pati na rin ang namumugad
na lungkot sa aking budhi. Nagbakasakaling
mapangiti niya ako habang binabaybay
ng aking dila ang kaniyang banal na pangalan.
Tinitigan ko ang kaniyang makinis na mukha
na sa tingin ko’y nililok pa sa ibang bansa
kung tititigan ang mala-porselanang kutis
ng kaniyang mga braso at binti.Naisapuso
ko, ang mukha rin kayang ito ang nakita
nilang mukha na nakaukit sa mga dahon
ng saging sa kabayanan? Siya rin kaya
ang nagmamay-ari ng anino na sumisilip
sa mga anino ng ulap, maging
sa mga tarangkahan ng babel noong unang
sumiklab ang madugong sagupaan?
Kaya muli kong iminulat ang aking mga mata,
muling napatitig sa kaniyang maamong mukha
habang iniaangat ang mga tuhod sa lupa.
Hinawakan ko ang kaniyang malamig
na paa, at salungatin ang kaniyang malamig
na titig. Noon ko naramdaman ang isang
pangitaing pilit nagliliwayway sa aking gunita.
Dali-dali akong lumabas ng gusaling dasalan
at kaagad na hinanap ang kalangitan.
Sa sunud-sunod na pag-agos ng makasalanang
luha sa mga mata ko at nanikluhod sa paghingi
ng tawad. Kahit hindi umiyak at magdilim
ang langit upang ipaalam na ako’y kaniyang
narinig, mas mainam na ang ganito, kaysa
isang milagrong igagawad ng mga batong
nililok ng mga makasalanang kamay ng tao.