Ang Lumang Baul Ni Don






         poetry, literature, tula

May 23, 2007

Sardinas (Sa Bahay Ni Big Brother)

Filed under: Uncategorized — lumangbaulnidon @ 4:41 am

Nang buksan ko ang lata ng sardinas,
Ang nakita ko ay mga pugot na ulo ng
Mga manggagawang nalulunod sa sariling dugo.
Hindi ito isang malikmata lamang,
Ito ang teleserye ng mga totoong tao.
Katulad sa bahay ni Big Brother,
Nakakulong ang mga manggagawa sa
Kinakalawang na lata ng sardinas.

Ang pagkahumaling ng isang kapitalista
Sa sariling pagpapaunlad ay nakakawing
Ang mga inihahaing alituntunin na
Sumisikil sa karapatan ng mga manggagawa.
Ano nga ba naman ang silbi ng mga reklamo
Sa naghihirap ng lipunan?
Itinuturing na isang walang katapusang
Utang na loob ang magkaroon ng trabaho
Kahit pa sa walang kuwentang pabrika.

Sa loob ng pabrika, hindi ang mga hiyaw
Ng pinupugutang isda ang maririnig,
Kundi ang mga hinaing ng mga manggagawang
Nilamon at yumakap sapilitan sa sistemang
Hindi makatarungan.
Lumulutang sa malapot na dugo
Ang mga pangarap na ikinukulong
Sa ibinibentang de lata.

At ito ang reyalidad ng ating lipunan;
Aliw na aliw ang lahat sa mala diktador
Na patakaran ni Big Brother na sumasalamin
Sa isang kapitalistang may matalim na
Patakarang pinaiiral at sumusugat sa mga
Karapatan ng isang manggagawa.
May napapalayas sa pabrika
Katulad ng pagpapalayas ni kuya
May nananatili, sabi nga, matira ang matibay
May nagtitiis, iyong matatapang ang sikmura.

July 15, 2006

Mapait Ang Manok Ng Dambuhalang Bubuyog

Filed under: Uncategorized — lumangbaulnidon @ 12:20 am

“Tahan na, kakain tayo sa Jollibee”

Ang sinasabi mo kapag umiiyak ang paslit,

Panghupa at pampahid ng luha

Dahil para sa kaniya, may pag-asang nakakawing

Sa pangalan ng sikat na fastfood.

Ngunit ang bawat paghumaling ng bata sa pagkain

Ay hindi sa lasa, kundi sa nakikitang patalastas

Sa pagsasayaw ng manikang bubuyog.

Ano ang pagkakaiba ng piniritong manok

Na inihain sa bahay at ang chicken joy sa payak

Na panlasa ng bata?

Maliban na lamang kung sa murang pag-iisip

Ay nakikilala niya si Aga Muhlach.

Ang sagot, tayo ang nagpapakilala upang yakapin

Ng kanilang murang isipan at mahumaling

Sa maka kapitalismong anyo ng pamumuhay.

Hindi niya nadarama ito,

Na sa bawat pagkagat ng malutong na chicken joy

Ay nagpupumiglas ang isang manggagawa

Sa tilamsik ng mabangis na mantika,

Pambanlaw ang tipid na kita sa pagtatrabaho.

Sa bawat pagluluto, lumulutang sa malalim

Na kawali ang mga mabababaw na pangarap

Na kailanman ay hindi kayang tumbasan

Ang sarap na piniritong manok.

Kahit pa may sawsawang bawang at ketsup,

Matabang ang pag-unlad ng isang manggagawa

Kung ang bawat kita nito ay sapat lamang

Upang muling makulong sa walang pag-unlad

Na rehas ng kusina.

Dadalhin mo ang iyong anak sa fastfood,

Mag-oorder ng mga pagkaing nakikita sa t.v.

Katulad ng pagkakaalala niya sa makulay

Na damit ng dambuhalang bubuyog,

At lalapit sa iyo ang makulimlim na mukha

Ng tagapagsilbi, nakatikhim, nakadilat

Sa inorder mong pagkain.

Mababasa mo sa kaniyang mukha

Ang katotohanang, ang masarap na inihahain

Ng kaniyang mga bisig ay hindi maihahandog

Sa anak na kumakalam ang sikmura.

« Previous Page